Junior High School students sa Quezon – magtatagisan sa 22nd Intellectuals’ Quiz Contest ng UP Oroquieta


Magtatagisan sa pitong patimpalak na bahagi ng 22nd Intellectuals’ Quiz o IQ Contest ng UP Oroquieta ang mga mag-aaral sa ika-siyam at ika-sampung baitang mula sa iba’t-ibang junior high schools sa Lalawigan ng Quezon ngayong darating na Disyembre a-kinse sa Sariaya Institute, Sariaya, Quezon.

Ang aktibidad ay may temang “QUEZON: Baliktanaw tungo sa Paglinang sa Lupang Tinubuan.” Layunin nitong itaguyod ang kahusayang pang-akademiko sa mga mag-aaral sa high school sa buong lalawigan, pagyamanin ang diwa ng pakikipagkapwa at pagpapakumbaba nanalo man o natalo, at linangin ang kritikal na pag-iisip ng mga kabataan ukol sa mga usaping nakapalibot sa lalawigan.

Tampok sa IQ Contest ang pitong sub-events na binubuo ng Quiz Contest, Essay Writing Contest, Poetry Writing Contest, Slogan-Making Contest, Photo Essay Contest, Impromptu Speaking Contest, at On-the-Spot Poster Making Contest.

Ang tatlong magwawaging grupo sa Quiz Contest ay makatatanggap ng tropeyo, sertipiko at cash prizes. Tatlong libong piso ang gantimpala sa magkakampeon, dalawang libong piso sa magkakamit ng ikalawang puwesto, at isang libong piso sa ikatlo. Tatanggap naman ng medalya at sertipiko ang mga magwawagi sa anim pang mga patimpalak.

Suportado ng DepEd Quezon, DepEd Lucena, at DepEd Tayabas ang IQ Contest.
Ang UP Oroquieta ang opisyal na varsitarian organization ng mga Quezonian sa University of the Philippines Los Baños o UPLB.






Related Stories