BayLayn 2019: Aktibo at matalinong pamamahayag, binhi ng pag-unlad at pagbabago

Idaraos ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), opisyal na publikasyong pang-mag-aaral ng Pamantasang De La Salle, ang Para sa Bayan at Lasalyano (BayLayn) 2019. Gaganapin ito sa ika-16 ng Pebrero, simula 6:30 n.u. hanggang 5:30 n.h. sa Pamantasang De La Salle, Taft Avenue, Malate, Manila. Sa ika-15 na taon nito, dala nito ang temang: “Aktibo at matalinong pamamahayag, binhi ng pag-unlad at pagbabago.” Ninanais ng publikasyong mahasa ang kakayahan ng kabataan sa pamamahayag sa tulong ng ilang mga worksyap at kompetisyon. Dadaluhan ang BayLayn 2019 ng mga estudyante sa sekondarya at tagapayo mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Kaugnay ng mga nasabing aktibidad, magkakaroon ng pitong pangunahing worksyap at kompetisyon ang BayLayn 2019: pagsulat ng balita, pagsulat ng balitang pampalakasan, pagsulat ng lathalain, pagsulat ng editoryal, pagguhit ng editoryal kartun, pagkuha ng larawan, at pagwawasto at pag-uulo ng balita. Para sa kompetisyon, maaari lamang magpadala ng hanggang sa dalawang kalahok ang bawat publikasyon sa bawat kategorya. Kasunod ng mga ito ang pinaka-aabangang symposium na pangungunahan nina Pia Hontiveros at Manuel Mogato.

Inaasahan ng Plaridel na magsisilbing tulay ang BayLayn 2019 sa paghimok sa mga kalahok na pumiglas para sa katotohanan. Sa tulong ng sumusunod na major sponsors – Booky, Vitamilk, Chowking – maisasakatuparan ng APP ang pagbibigay-pagkakataon sa campus journalists na palawakin ang kanilang kaalaman sa pamamahayag.

Patuloy na magsisilbing plataporma ang BayLayn upang mahasa at mapagpabuti ang iba’t ibang abilidad ng mga batang mamamahayag. Lagi’t laging makakasama ang APP sa pagsisiwalat ng mga isyung maka-Lasalyano at maka-Pilipino. Para sa karagdagang impormasyon at mga update, bisitahin ang aming Facebook page: https://www.facebook.com/baylayn at https://www.facebook.com/plaridel.dlsu.






Related Stories